3

Surprise Me

Sabi nila, sorpresa daw ang pinakamahalagang elemento ng kasiyahan. Dapat may kasamang sorpresa kung gusto mong makamit ang rurok ng kaligayahan. Dapat may gulat factor. ‘Yung kinakailangang magulatang ka, manginig saka biglang tatawa. ‘Yung kinakailangang maramdaman mo ‘yung palabok na emosyon, parang samu’t saring pelikula. May romance, comedy, horror at drama. Lahat pinag-isa. Kaya nga sorpresa.

Kaya simula pa noon, gustong-gusto ko ng sinosorpresa. Sa isang iglap, lahat pwede mong maramdaman dahil ‘di ka handa. ‘Pag tinatanung ako kung anung gusto ko, lagi kong sinasabi, “Surprise me.”

Pero ‘di ko inakala na isang araw, sasabihin kong ayoko na. Ayoko na.

Dati, kilig na kilig ako ‘pag nag-iiwan ka ng isang maliit na sulat. ‘Yung may nakalagay na “mahal kita”. Gustong-gusto ko ‘pag may dala kang bulaklak. ‘Yung tinatawanan lang kita ‘pag napipikon ka. O kaya’y ‘pag sinusuyo mo ako ‘pag inaaway kita. Lahat ‘yun, araw-araw mo akong pinapasaya.

Pero, ang buhay ko nga ay isang malaking pelikula. Mula romance, comedy, drama at ngayun ay horror na. Nagsimula, nung nakita kitang nakakabayo sa kanya. At ‘yung kasama mo pa, biglang sumigaw ng panghorror na “haaaaaaa…” Hindi ba dapat ako ang mapasigaw ng, “haaaaaaa…” sa’king nakita? Pero ako’y tulala sa iyong hinandang malaking sorpresa.

Ako sana ang maghahanda. Balak kong ipagluto ka. Alam ko kasi nitong nakaraang araw, eh lagi kang balisa. Mukhang may problema.

Pero panalo ka na. Sobrang matinding sorpresa. Nakakagulantang. Nakakanginig. Nakakabaliw.

Biglang may wangwang at mga pulis. Hawak ko pala ang isang kutsilyo habang nakatitig sa inyong dalawa. Akala n’yo yata sa inyo ko gagamitin. Hindi ba pwedeng sa’kin? O kaya’y gusto ko lang humawak ng isa. Masama ba? Di ba, ipagluluto nga kita?

Kung sino pa ang pinaglaruan, sinaktan, siya pa ang idinemandang kriminal. Attempted homicide. Eh, kung tanggalin natin ‘yung attempted? O kaya’y ako ang magdemanda ng murder? Pakiramdam ko kasi patay na patay na ang aking pagkatao. Ni wala nga kayong itinira para dun ako magsimula.

Ba’t ganun? Hindi ba kayo nanood nung pelikula ni Angelica? Sabi nga run, “Hindi lahat ng nakakapagpapasaya sa atin, tama.” Tama, di ba? Hindi porket masaya ka sa isang bagay, eh dapat kunsintihin mo na. Paano naman ang kaligayahan ng iba.

May karapatan kang lumigaya, pero bawal apakan ang karapatan ng iba. Bawal manggamit. Bawal manakit.

Nakatira tayo sa mundong may karapatan at kalayaan para gawin ‘yung mga gusto natin. Pero natatapos ‘yung karapatan at nawawala ‘yung kalayaan na ‘yan sa oras na may nasaktan, may naapakan. Dahil lahat ng karapatan ay pantay-pantay. Walang nakapangingibabaw.

Kaya ayoko na. Okay na ako sa simpleng masaya. Hindi ko kelangan ng sorpresa. Hindi ko kelangang makamit ang rurok ng pagiging masaya. Aanhin ko pa kung kasabay nun ay rurok ng aking pagluha.

———————-

“Hindi lahat ng nakakapagpapasaya sa atin, tama.” – A Love Story (2007)

Mema(sabi): Inis ako sa mga taong nagsasabi na meron tayong freedom to do and say anything without consciously thinking what it means! Mga gago! Sabagay, may karapatan akong manampal. May karapatan ka ring umilag. Good luck.

Advertisements
0

‘Wag Manligaw sa Naliligaw

Wag manligaw final.jpg

“Pati pala mga hayop ay imbitado.” Pang-aasar ko.

“Tanung mo kaya sa sarili mo.” Balik pang-aasar n’ya.

 

“Hindi ikaw ang kausap ko. Natamaan ka lang.”

“Hindi rin ikaw ang kausap ko. ‘Yung nasa likod mo.”

 

Napalingon ako. Walang tao. Kelan ba ako matututo?

 

‘Yan si Pablo. Ex ko. Ang kaisa-isang lalaking minahal ko na siya ring kaisa-isa lalaking nanakit sa’kin. Ewan ko ba kung bakit ginawang package deal ang umiyak at umibig. Two-in-one. Siguro dahil ‘pag nagmamahal, ibinibigay mo ang iyong puso kaya pwede niyang gawin kahit na ano. Nagkataon na mas pinili niyang saktan ito.

 

Oo, masakit pa rin. ‘Di naman ako ipokrita para ‘di amining hanggang ngayun ako’y nasasaktan pa rin. May hugot. May sugat.

 

Sabi ko, kelan ba ako matututo? Na kalimutan si Pablo. Na maramdamang okay na talaga ako.

 

“Maaari ba akong manligaw ulit?”

 

Bulong pero sa sobrang lakas, para akong nabingi. Di makakilos.Tama ba yung narinig ko? Hindi ko ba guni-guni?

 

Sabi nila, mas masarap daw ang ikalawang pagkakataon. Pero ‘pag sobrang sakit, mahirap bigyan ng pangalawang pagkakataon. Dahil hindi pa naghilom ‘yung dating sugat. Pag hinayaan kasi, lalo lang hindi gagaling ‘yung sugat.

 

Hindi pwedeng basta-basta mo na lang ibigay ulit ang iyong puso. ‘Pag ganun, baka di mo namamalayan, sobrang wasak na pala ‘to. Wala ka ng puso. Wala ka ng kakayahan para magmahal ng tao.

 

“Saka ka na manligaw, ‘pag di na ako naliligaw.”

 

 

Pagkatapos ng gabing ‘yun, walang ligawang nangyari dahil ako’y naligaw… sa iba. Nakahanap ako ng iba na pwedeng pagbigyan ng aking puso. ‘Yung mag-aalaga at magmamahal dito. Hindi ko naman sinasabing hindi niya ako sasaktan kasi posible pa rin pero mas naniniwala akong mas mamahalin niya at hindi niya gugustuhing saktan.

 

Tama nga si Popoy, “Kaya nga tayo iniiwan ng mga taong mahal natin, dahil may bagong darating… na mas mamahalin tayo… at itatama ang lahat ng mali sa buhay mo.”

 

——

“Kaya nga tayo iniiwan ng mga taong mahal natin, dahil may bagong darating… na mas mamahalin tayo… at itatama ang lahat ng mali sa buhay mo.”

—John Lloyd Cruz in One More Chance (2007)

 

Mema(sabi): ‘Wag maniwala sa love is lovelier the second time, pautot lang ‘yan ng mga nagkamali nung una. At baka lagi mong iisipin na babawi ka na lang sa susunod kasi mas masarap naman sa ikalawang pagkakataon, batukan mo na lang ‘yang sarili mo.

0

Dakilang Abangers

IMG_1153.JPG

Aray! Masakit sa mata. Bat nakatutok sa akin ang spotlight? At ba’t nasa akin ‘yung bouquet ng rosas?

At teka lang, ba’t hawak mo ‘yung kumikinang na garter? Sobrang itinaas mo pa sa ere. Aakalain mong nanalo sa isang patimpalak.

Tinawag kami sa harapan. Ayoko man. Kelangan. Isinuot niya sa’kin ‘yung garter kasabay ng mga pito, halakhak at tawanan. Sana isa ako sa mga tumatawa. Sana ganyan rin ako kasaya.

Ang pinakamasaklap na pwedeng maitadhana sa’yo ay ang mahulog sa isang malapit na kaibigan. Dahil hawak kamay mo na nga, hindi mo pa rin makuha. Katabi mo na, hindi ka pa rin nakikita. Sabi nga ni Jolina,

“Oh yes, kaibigan mo ako. Kaibigan mo lang ako… And I’m so stupid to make the biggest mistake of falling in love with my best friend.”

 

Hayy. Saklap.

“Ang ganda mo ngayun.”

Sanay na ako sa mga papuri mong walang laman. Sanay na sanay na rin akong umasa na sa susunod sasabihin mo ‘yan ng higit pa sa isang kaibigan.

“Matagal na.” Hindi mo lang nakikita.

“Sungit.” Aba, nakangiti ka pa.

Anung inaasahan mo? Ipagbunyi ko pa na binasted mo ako? Kinapalan ko na nga ‘yung pagmumukha ko para sabihin sa’yo na mahal kita pero ang sagot mo lang,

 

“Hindi ko alam.”

Malamang! Kaya ko nga sinabi! Manhid! Kung alam mo, eh di sana, hindi tayo magkaibigan.

“Pero alam mo, ‘yun ‘yung minahal ko sa’yo.”

Ano raw? Anong sabi niya? Minahal? Ako?

Ayaw na ayaw ko man, tumitig ako. Ba’t parang totoo? Ba’t parang sinabi mo ngang mahal mo ako.

“A…nong sinabi mo?” Nauutal kong tanung.

“Sabi ko, mahal kita.” Diretso mong sagot.

“Hindi ko alam.” Sa gulat ko, ‘yan ang nasabi ko.

Bigla kang tumawa kaya lahat ng tao tumingin sa’ting dalawa.

“Nagamit ko na ‘yan. Ibahin mo naman.”

May pinatunguhan din pala ang pagiging abanger ko. May pinatunguhan ‘yung pagsasabi ko ng mahal kita. Dapat pala, noon ko pa sinabi, eh di sana hindi ako nasasaktan ‘pag meron kang iba. Hindi kinakain ng selos at inis ‘pag may kahawak kamay na iba.

Ngayun, ‘di na ako dakilang abanger. Sa wakas, pwede mo na akong ipakilala hindi bilang kaibigan pero bilang kasintahan.

———–

“Oh yes, kaibigan mo ako. Kaibigan mo lang ako… And I’m so stupid to make the biggest mistake of falling in love with my best friend.” – Jolina Magdangal, Labs Kita… Okay Ka Lang? (1998)

 

Mema(sabi): Kung mahal mo, sabihin mo na. Wala ng time, baka bukas, eh end of the world mo na. At least, if sinabi mo ngayun, tas supalpal ka, eh… pwedeng totoong iend of the world mo na… Joke! ‘Pag supalpal, iinom mo na lang. ‘Pag hindi, eh, di congrats kaya iinom mo pa rin ‘yan!

0

Konyo Bebe

Konyo bebe

Alam mo bang galit na galit ako sa mga konyo?

‘Yung tipong pagnagkarally sa EDSA para ibagsak ang mga konyo, siguradong ‘asa unahan ako. Di ko naman aakalain na ako pala ang babagsak…sa’yo.

Nahulog ako sa isang katulad mo, isang konyo.

Nung unang beses kitang nakilala,

“Hi, is someone nakaupo here?” Di ako nakasagot. Natulala ako. Ni hindi ko nga narinig ang kakonyohan mo. Sabi mo ulit,

“Um, may nakaupo here?” Wala pa rin. Nakakahiya na ako. Tulala pa rin.

Ngumiti ka lang nang alanganin.

“Pwedeng makiupo dito?” Bigla akong natauhan. Siguro, dahil kaya mo naman palang magsalita ng diretsong tagalog.

“Yep.” My gulay! Ako ba to? Anong sinabi ko?! Pangkonyo ang yep! Dapat oo! Gusto kong batukan ang sarili ko! Anung nangyari sa’kin!

Nung unang beses kitang niyaya,

“Where are we going ba?” Pinigilan ko ang sarili ko. Di na ako umimik. Gusto kong sabihin na sa susunod ‘wag mo na lagyan ng ba. Okay na yung where are we going. Okay na ako dun.

Nung unang beses kitang sinundo,

“Asan na you? Here na me sa shed.” Napahinto muna ako para huminga. Para kalmahin ang sarili ko. Hindi ka naman bobo. Matalino ka nga eh. Sobrang talino pero di ko maintindihan ba’t ganun ka magsalita? Dahil ba ganun ‘yung mundong kinalakhan mo?

Nung unang beses kitang sinabihan ng mahal kita,

“I love you din kaya.” Hindi ko na pinansin ‘yung salitang kaya. ‘Yung oras na ‘yun sobra akong masaya. Akalain mo, mahal mo rin pala ako.

Pag-ibig. Kahit ayaw na ayaw ko sa mga katulad mo, ikaw ang minahal ko. Kahit nung una, gusto kong sumuka ‘pag may naririnig akong katulad mo. Kahit nung una, gusto kong ipatapon sa dagat-dagatang apoy ‘yung mga katulad mo.

Ngayun, balewala na lang sa’kin. Kasi pag nagmamahal, tinatanggap mo lahat lahat. Lahat ng kagandahan, kapangitan, kalakasan at kahinaan n’ya.

Siguro kahit sukdulan pa ang pagiging konyo mo, mas mamahalin pa rin kita. Kasi ganun ka na talaga. Darating ang panahon na maaring magbago ka, pero hinding-hindi ko hihingin na magbago ka. Dahil bahagi na ‘yan ng ‘yung pagkatao. Bahagi ‘yan ng tinanggap ko.

Sabi nga sa pelikula, ‘pag mahal mo, mahal mo! Walang kasi kasi, walang pero pero.

“Andyan pa rin you?” Nakalimutan ko, kausap pa rin pala kita sa telepono.

“Yep, bebe.” Ha? Ano?! Ako yata ang nagbago. Sana mapatawad ako ng buong mundo. Sisihin ang pag-ibig. Oh, pag-ibig.

————-

“Pag mahal mo, mahal mo! Walang kasi kasi, walang pero pero. Kasi mahal mo eh!” – Sarah Geronimo (A Very Special Love, 2008)

0

Buntis ako, Green

Pirelli1_620_1628473a

Biyernes. Tradisyon na ng barkada ‘yung tumambay sa inuman. Ginagawa naming isang malaking playground habang naglalaro ng mga kung anu-ano.

“Ibalik natin ‘yung pelikula dare! Maraming pogi!”

Kelangang masabi mo ‘yung linya sa isang pelikula habang ginagawa ‘yung utos ng barkadaAt nagsimula ngang umikot ang botelya kasabay ng ‘di ko mabilang na shots ng tequila.

Naka-polong light green ang aking biktima. Mukha pa naman s’yang maamong tupa. Mukha ring masarap, pang-ulam ‘pag nangangati ka.

Paglapit ko, bigla akong sumigaw ng,

“Buntis ako, Green! Kelangan mo ‘tong panagutan! Lahat ng ibinibigay ko sa pamilya ko, ibinibigay ko rin sa iyo! Lahat! Lahat! Lahat!”

Mahihiya si Claudine Barreto sa pelikulang Milan sa panggagaya ko. Mahihiya siya sa galing kong umarte. Pang-Famas! Best actress!

‘Yung mukha niya parang sinabugan ng bomba. Gulat na gulat. Tumawa lang ako at sa mahinang boses,

“Sori. Nagkatuwaan lang. Dare.”

 

Bigla siyang tumayo.

“Sori?! Hindi ako ang ama niyan! Alam nating pareho na niloko mo ako! Dun ka maghabol!” Mahihiya ang ambulansiya sa lakas ng boses niya.

Ako naman ang hinagisan ng bomba! Natalbugan ng akting. Best actor siya!

“Hayan, quits na tayo.” Saka siya ngumisi na parang walang nangyari.

Tumaas ang dugo ko. Pulang-pula ang mukha ko. Understated ang salitang hiyang-hiya ako. Nung oras na ‘yun, gusto ko lang namang pumatay ng tao.

Mukha kang sayote sa damit mo!” Wala akong ibang nasabi.

“Mukha kang bulok na kamatis sa tindi ng lipstik mo.” Mahinahon n’yang sagot.

Putangina! Bading ba ‘to! Pumapatol sa babae!

Nung sumunod na biyernes, s’ya naman ang lumapit.

“Hi, sori sa nangyari. Alvin, hindi Green.”

Mula noon, naging bahagi na siya ng ritwal naming inuman. Araw-araw ko na rin siyang kasama sa lahat ng lakaran.

Hanggang isang araw,

“Buntis ako, Alvin.” May nginig. May kaba.

Napatingin s’ya. Nagtatanung ang mga mata.

“Pag lalake, gusto ko Green ang second name niya, ha.”

Bigla niya akong niyakap sabay dugtong ng, “Bawal paglihian ang sayote!”

Sobra akong napahalakhak. Sobrang dinamdam niya ‘yung biro kong sayote.

Mag-dadalawang buwan na kaming kasal. Magdadalawang taon na ring nangyari. Paglabas ni Green, ikwekwento ko sa kanya ang talambuhay ng pangalan niya. At kung paano ko nakilala ang Daddy niya.

————–

“Lahat ng ibinibigay ko sa pamilya ko, ibinibigay ko rin sa iyo! Lahat! Lahat! Lahat! Lahat lahat lahat!”

– CLAUDINE BARRETO in MILAN

——

Mema(sabi): Minsan, naglaro kami ng dare sa flat. Inisip ko nung una ang childish pero sobrang na-enjoy naman namin.

French Girl (FG): (katok sa pintuan) “Hi, I have something to tell you. I am leaving tomorrow so I’d like to use this opportunity to say… I love you.”

(Nakatago kami sa laundry room habang nagcoconfess siya sa may hallway!)

German Guy (GG): Uhm… Okay.

HAHAHAHA Sobrang tawang-tawa kami after nun! Game naman si FG kahit first time daw niyang mareject. Nagred lipstick pa siya! For the win, as always. Sa nagtatanung, hindi naging sila.

0

Ilabas ang Vodka

Georgina Wilson Rogue Mag December 2011-011

Aray!”

“Ok ka lang, miss?”

“Subukan mong tapakan ‘yang paa mo, saka mo sagutin ‘yang tanung mo!”

“Sori, miss.”

“Sori?! Anu ‘yun? Magic word? Na pag sinabi mo, pffft! Mawawala na ‘yung sakit?” Sabay walk out.

Sana nga, ganun din ako kataray at katapang nung nakipaghiwalay ka sa’kin. Sana nasabi kong, “Putanginang sori yan!” sabay walk out. Hindi ‘yung nagmamakaawang, “Ako na lang. ‘Wag na siya… please.”

Inialok ko na lahat, ako lang ang piliin mo. Puri. Pera. Pagkatao. Pero, siya pa rin ang pinili mo.

Oo, ako ang naglandi, pero walang lumalandi kung walang nagpapalandi!

Tama nga si Shawie nung sinabi niyang, “You made me believe. You made me believe we had a chance…” Dahil, putangina, pinaasa mo ako. Pinaasa mong ako ang pipiliin mo.

Sobrang sakit. ‘Yung puso ko ay ‘parang binuhusan ng gasolina at sinilaban ng lighter. Pwedeng alayan ng bulaklak at kandila, ilibing at bisitahin ‘pag Araw ng Undas.

“Ikaw ang third party. Ikaw ang mang-aagaw. Ikaw ang ahas. Kaya wala kang karapatang masaktan!” Pagtataray ng kaibigan ko.

Bawal masaktan?! Aba, di ako nasabihan!

Meron rin akong puso! Kaya nga nagkandaletse-letse ang buhay ko. Putanginang puso!

Alam kong mali pero isinugal ko pa rin. Akala ko kasi sasaluhin mo ako. Akala ko kasi mamahalin mo rin ako. Sobrang andami kong akala. Lahat ‘yun nawalang parang bula nung sinabi mong “Ayoko na. Nasasaktan na siya.”

Eh ako, hindi? Parang pwede ko nang iserve as giniling ‘yung puso ko dahil sobrang hapdi na parang hinati-hati. Meron pa yatang kalamansi. Masakit. Mahapdi.

‘Eto na nga siguro ‘yung karma ko. Oo, galit ako. Abot impyerno. Pero wala akong pagsisisi. Minahal kita kahit bawal. Minahal kita kahit taliwas sa prinsipyo ko. Minahal kita kahit mahirap. Minahal kita kahit meron akong kahati.

Kaya ‘eto ako ngayun, araw-araw na lang, wala na akong masabi kundi,

“Putangina! Ilabas ang vodka!”

———————

“You made me believe. You made me believe we had a chance…” – Sharon Cuneta in Minsan Minahal Kita (2000).

Larawan galing sa Rogue Magazine.

0

Si Ding at Darna

“Breaking news! Kami na!”

Biglang naghiyawan. Dinaig pa yata yung hiyawan nung rumampa si Jake Cuenca sa Araneta. Dinig hanggang Amerika.

Oo kami na nga. Pagkatapos ng pitong buwan, sinagot ko na.

Mahal ko naman, eh. Nagpakipot lang. Sabi nga niya sa akin,

“Alam ko namang sasagutin mo ako. Isang buwan. Dalawang buwan. Uhm, pwedeng tatlong buwan. Nung limang buwan, bigla akong kinabahan. Nung pitong buwan, malapit na kitang itanan!”

Nakilala ko siya sa labas ng aming opisina. Lumabas ako para magpahangin. Pakiramdam ko nung araw na ‘yun konting konti na lang talaga, bibigay na ako. Akala yata nila, robot ako, hindi tao.

Pagdating ko dun. Hinga. Hinga. Buntunghininga. Hanggang sumigaw ako ng,

“Ayoko na! Dingggggggg….. ang bato!”

“Aray!” Bigla ngang may bumato sa akin ng bato!

Hinanap ko s’ya. “Sabi mo bato. Hayan. Bato.”

“Sira-ulo ka ba?!” Sa sobrang galit ko, binalik ko ‘yung bato.

“Anu ba! ‘Di ka ba nakinig sa nanay mo? Pag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay!” Pilosopong sagot n’ya sa’kin.

Dun kami unang nagkita. Dun kami unang nagkakilala.

Pero mula nung araw na ‘yun. Wala ng Ding. O bato. Hindi dahil nahihiya pa rin ako, pero dahil siya ang nagsilbing Darna ko. ‘Pag sobrang gusto ko nang bumigay, andyan siya para umalalay.

Minsan, tinatawag pa rin niya akong Darna. Sobrang lakas niyang mang-alaska. Kaya Ding ang tawag ko sa kanya. Si Ding at Darna. Sino bang mag-aakala na mahahanap ko s’ya dahil lang sa simpleng kataga ni Darna?

Ang pag-ibig talaga, hindi mo aakalain na darating siya sa hindi mo inaasahang oras at lugar. Handa ka man o hindi, darating at darating siya. Kaya ikaw, simulan mo na ring sumigaw ng,

“Ding… ang bato!” At darating siya.

———————-

“Ding… ang bato!”

– VILMA SANTOS in DARNA

0

Binibining Kaladkarin

Easy. Cheap. Malandi. Maharot. Kaladkarin.

Lahat na yata, ikinabit na sa pangalan ko. Hinusgahan na parang ibinebentang karne sa may palengke. Parang animoy malansang bangus o bulok na patatas.

Lahat ng tao may karapatang gawin at sabihin ‘yung gusto nila. Pero meron rin akong karapatang manampal, manuntok at mambara. Pantay-pantay lang. Ganun ang buhay.

Nagkataon na wala akong pakialam sa sasabihin ng iba. Dahil ang kaligayahan ko ay hindi nakakabit sa kaligayahan ng iba. Buhay ko ‘to. Walang sinumang pwedeng magdikta.

‘Yan ang pinaniniwalaan ko bago kita nakilala.

Nung nakilala kita, gusto kong alamin lahat ng makakapagpapasaya sa’yo. Biglang ‘yung kaligayahan ko ay kung ano ang kaligayahan mo. Biglang bumaliktad ang mundo ko. Umikot sa’yo.

Mahirap umahon sa mga panghuhusga. Gusto kong sabihin na hindi lahat ng naririnig mo ay totoo. Gusto kong sabihin na mabuti akong tao. Gusto kong sabihing disente rin ako.

Pero bigla kang nabingi. Bigla kang nabulag. Biglang, ‘di na kita maabot sa toreng binuo mo. Biglang may bakod.

Sabi nga ng Globe, “The person you are calling is out of reach.” Sabi naman ng kasambahay niyo, “Ay, wala po si Ser.”

Puro kasinungalingan ba ‘yung mga I love you mo? Para lang ako’y madaling maikama? Pakiramdam mo yata ‘yun ‘yung password para magbukas ang kweba. ‘Yung tipong pambayad ‘pag nagtatakehome ka.

Hindi naman ako puta. Hindi ako sumasama sa bawat kalabit ng kung sinu-sinong lalaking aking nakikilala. Meron akong diploma. Meron akong disenteng trabaho. Disenteng bahay. Disenteng pamilya. Kung ‘yun ‘yung basehan ng pagiging disenteng tao. ‘Yun nga ba?

May mga taong akala mo disente sa panlabas, pero hayop pala ang loob. Mga mukhang hayop, pero disente ang loob.

Sabi nga ni Joyce Jimenez, “If I’ve ever slept with someone it’s because I’ve always had feelings for that person.”

Minahal kita kaya ko ibinigay lahat. Minahal kita kasi akala ko iba ka sa lahat.

Modernong mundo. Modernong panahon. Modernong babae. ‘Yan ang nakalimutan mo.

‘Yun nga lang ako rin yata ang nakalimot sa gintong alituntunin sa mundong ‘to. Bawal kalimutan ang sarili. Dahil ang pinakauna sa lahat ay ang sariling kaligayan.

Sana dumating ang panahon na matanggap mo. Sana nga dumating ‘yun.

‘Pag hindi man, alam ko, babangon ako. Makakalimutan ko rin lahat ‘to. Dahil ang modernong babaeng tulad ko ay inuuna ang sariling kaligayahan bago ang sinuman o anuman. Nakalimot lang ako. Hindi natatapos ang pag-ikot ng buhay dahil lang sa pag-ibig .

—————-

“If I’ve ever slept with someone it’s because I’ve always had feelings for that person.” – Joyce Jimenez (Narinig Mo Na Ba Ang L8est? 2001)

2

Kaibigan. Ka-ibigan.

Kaibigan? Ano bang kahalugan ng salitang kaibigan?

Minsan tinanung kita, sino siya. Sabi mo, “Kaibigan lang”.

Minsan tinanung ulit kita, sabi mo. “Kaibigan. Napadaan lang.”

Minsan tinanung ulit kita, sabi mo. “Sinamahan ko lang sa sinehan bilang kaibigan.” Sabi mo pa, “Broken hearted.”

Sobrang bait mo namang “kaibigan”! Award! Friend of the Century!

Hindi ako tanga! Minsan nagtatanga-tangahan lang. Akala ko kasi harmless naman. Akala ko kasi wala naman. Pero minsan ang akala nating wala, meron pala!

“Alam mo bang ni isang beses, di pa tayo nanood sa sinehan. ‘Yung tayung dalawa lang.” Oo, tunog-bitter.

“Ha? Di pa ba?” Pang-award ka na naman! Maang-maangan school of acting. Slow claps. Best actor.

“Cool off muna tayo.” Pang-award din! Swabe lang! ‘Yung parang bumibili lang ng kendi sa tabi-tabi. Aba, hindi ako papahuli!

“Sige, kung ‘yun ang gusto mo.” Aray! Ano raw? Teka lang, ganun na lang basta basta? Akala ko aktingan lang? Patarayan ng linya.

Gusto ko tuloy kunin ‘yung timba, dahil sigurado akong babaha ng luha. Gusto kong itabi lahat ng babasagin, dahil gusto kong mambasag ng mukha. Gusto ko ring… sabihing, “’Eto naman, nagpapatawa lang. Tayo na ulit ha!”

Pero para sa’n pa? Mukha namang naghihintay ka lang ng timing. Mabuti na ‘yung ganito. ‘Yung masasabi kong ako ang nakipaghiwalay. Para kahit papano, buo pa rin ‘yung pride at dignidad ko. Kahit makita ko man kayo sa sinehan, masasabi kong, “ah hiniwalayan ko, ‘yang gagong ‘yan”.

“Ok. Tnx. Bye.” Binaba ko na ang telepono. Iiyak pa kasi ako. Magmumura.

Nung sumuod na araw, nakikipagbalikan ka.

Ano ‘yun? Parang damit lang sa SM na pwede mong balikan? Sori pero meron akong no return policy.

Para mo akong sinampal ng chopping board nung umoo ka kaagad. Parang wala man lang hearing. May verdict na kaagad. Sige agad. Gusto ko rin namang tanungin mo ako, bakit? Pag-usapan natin. Para namang wala akong halaga dahil di ka umapela.

Kaya sori ka, magmamaganda ako. Sori ka, hinding-hindi mo na ako makukuha. Sabi nga ni ate Vi, “Kung hindi ka ba naman gago! Ginto na ang nasa harapan mo, basura pa ang pinili mo!”

Hindi ako nakikipagbalikan sa mga taong hindi nakikita ‘yung aking halaga. Hindi binibigyan pansin. Kaya masanay ka na, wala na talaga.

At dun ka na sa kaibigan mo. Tanung mo kung pwede kang samahan sa sinehan, ikaw naman ngayun ang broken hearted. O di ba, nangangamoy meant to be.

 

————

“Kung hindi ka ba naman gago! Ginto na ang nasa harapan mo, basura pa ang pinili mo!”

—Vilma Santos in Sinasamba Kita (1982)

Mema(sabi): Isang tagay para dun sa kaibigan kong swabe kung makipaghiwalay. I miss yah, Dyosa.

0

Wanted: Hitman para kay John Lloyd

MVM-Wallpaper-Fashion Victims-March 2011-pg 8

“Oi, pwede ka ba sa linggo?” Tanung ko sa’king kaibigan.

“Bakit?” Balik tanung niya.

“Naghahanap ako ng hitman.” Seryosong mukha. Seryosong boses.

“Sinong titirahin.” Nakatawang mukha. Seryosong boses.

“Si John Lloyd.”

 

Galit ako kay John Lloyd. Gusto ko siyang murahin. Sana merong paraffle ng libreng sampal, sisiguraduhin kong ako ang makakakuha. Wala lang. Sa kanya lang naman galing ‘yung linyang, “I didn’t ask you to love me so don’t make me feel that I need to love you back.” Hayan tuloy, may kumopya!

“Hindi kita sinabihang mahalin mo ako kaya wag mong isumbat sa akin na mahal mo ako.” Di ba ganung-ganun ‘yung linya mo?

Para akong nadaanan ng 10-wheeler truck. Pwede akong isugod sa emergency room dahil biglang nagflat line ‘yung puso ko. Namatay ng ilang oras. Akala ko nga, ‘di na babalik. Ganun pala. Ganun pala yung pakiramdam.

Alam ko naman na ang pag-ibig ay parang pamasahe sa dyip, pwedeng ‘di suklian. Pero ginusto ko pa ring subukan. Dahil ito’y isang malaking sugal. Pwedeng panalo. Pwedeng talo. ‘Yun nga lang, ako’y talo.

Masakit lang ‘yung abot-kamay mo na nga, nawala pa. Andun na eh, malapit na. Alam kong bibigay na, konting-konti na lang talaga. Pero mapaglaro talaga ang tadhana, may dumating na kontrabida. Ang komplikado na nga, dinagdagan pa ng isa.

Alam mo bang pinakamasakit ‘yung makitang masaya ka sa iba? Walang kasing sakit. Walang kasing pait. Dahil tanggap kong ‘di ko kayang ibigay ‘yung sayang naibibigay niya.

Siguro nga, hindi talaga tayo itinadhana. Kaya kahit anung gawin ko, kahit mahalin pa rin kita nang sobra sobra, wala pa ring kwenta. Kahit isanlibong beses ko pang tawagin si Cupid, magdasal kay papa Jesus, or magnobena kay mama Mary, wala na talaga. Salamat sa isang kontrabida. At kay John Lloyd din pala. Sa linggo, humanda siya. Isang malaking sorpresa ang naghihintay sa kanya.

 *Larawan galing sa 3.bp.blogspot.com

————————

Kwentong bahagi ng Kung Pelikula ang Pag-ibig.

“I didn’t ask you to love me so don’t make me feel that I need to love you back.”

—John Lloyd Cruz in A Very Special Love (2008)

Mema(sabi): Feeling ko pilit ‘to!