0

Closure Mo, Mukha Mo

DSC_0110 copy

“Nakipagkita ka?”

“Oo para may closure.”

HAHAHAHAHAHAHA. Dinig na dinig hanggang outer space.

“Gusto mo lang siyang isex!”

“Eto naman. Break-up sex. One last for the road.”

Nagdasal muna ako ng tatlong segundo. Kinalma ‘yung sarili bago pinalipad ‘yung hawak kong libro.

“Six months na kayong break! Bukas ha, daan tayo sa vulcanizing shop. Patingnan natin ‘yang naaagnas mong utak.”

 

Ang closure ay kasama ng pagmomove forward. Pero tayo mismo ang nagbibigay niyan sa sarili natin. ‘Yung tipong gumamit ka ng Whisper napkin with extra wings sabay sisigaw ng I feel free. Hindi nakakatulong sa pagmomove on ‘yung pagpupumilit mong sundan, kausapin ‘yang ex mo at ungkatin ang nakaraan. Siopao asado moves ang tawag dyan. Gusto mo lang ibangon ‘yang self-esteem mong nasa laylayan. Validation sa self kumbaga. Sabi nga ni Duterte kagabi, “Don’t fuck with me! Letse kayo!”

Kapag ang isang bagay ay tapos na kelangan mong dahan-dahang tanggapin at ikondisyon ang sarili na tapos na. Hindi ‘yung maghahanap ka ng closure sa kanya. Isa itong malaking ka-echosan. Repeat after me, “isang malaking ka-echosan.”

Dalawa lang naman ‘yan – either gusto mo talagang magmove on kaya clinaim mo na lahat ng closure sa sarili mo o feeling hopia ka pa rin at steady lang. Sabay stalk sa lahat ng social media accounts niya careful na hindi malike ‘yung mga photos at status niya.

Maniwala tayo kay Krissy, “Kapag ang baso ay nabasag, wag mong piliting pulutin ‘yung mga basag. Mas masakit. Mas nakakaiyak.” Move forward with yourself at ‘wag maging dependent sa probability ng isang closure kasama siya. Para anu pa? Para pag-usapan kung sinong nakabasag? Kung anu-anung mga nangyari bago nabasag? Pagkatapos mabasag? Anu’ to SOCO? Once basag, you cannot put it back.

Bakit hindi ikaw na mismo ang kusang magclose ng kung anumang bukas na siyang nagiging dahilan ng gabi-gabing pag-inom ng emperador light. Respeto naman dyan. Sa kapitbahay mong naririndi na sa kanta mong All by myself. Tiwala lang. Hindi mo kelangan ng closure (with him) kung gusto mo talagang magmove on. Darating ka rin dun. Carefully. Slowly.

Landiin mo na lang muna ‘yung gwapong tambay sa kanto! Charot. Go out but don’t multiply.

 

0

Ninangkupo!

“Sige!”

Bigla niya akong niyakap at hinalikan sa pisngi. Parang libo-libong paputok at nagkakantahang mga anghel ang pumuno sa kalangitan.

“Salamat. Hinding-hindi ka magsisisi.”

Parang gusto ko na ngang magsisi.

“Alam kong magiging mabuti kang ninang kay Butchoi.”

Masokista yata ako. Bakit ba pagdating sa kanya eh ‘di ko alam ang salitang “ayoko.”

“Padala ng gamit ko.”

“Sige.”

“Pautang ng isandaan.”

“Sige.”

“Nakabuntis ako. Maghiwalay na tayo.”

“Sige.”

“Pwede ka bang maging ninang?”

“Sige.”

Oo, alam ko. Kung gaano ako katalino, ganun naman ako katanga sa pag-ibig. Iputong niyo na sa akin ang korona, isabit ang sash at ibigay ang bulaklak dahil kung may reyna ng katangahan, siguradong panalo na ako.

Niloko na nga ako pero ba’t ‘di ko pa rin magawang magalit. Ba’t para akong maamong tupa at anghel sa kabaitan na sunod nang sunod pa rin sa bawat gustuhin niya. Ba’t pinapatay na nga ako sa sakit, ‘di ko pa rin magawang ishare sa kanila ‘yung pait. Ilanglibong beses na akong umiyak…  pero ‘eto pa rin ako.

Siguro, mahal na mahal ko lang talaga siya. Na di ko siya mahindian. Na di ko siya maatim na gantihan. Na kahit ako na lang ang masaktan, okey lang. Na kahit husgahan man ako ng buong mundo, okey lang.

“Hayyyy.” Isang malalim at malakas na buntunghininga ang aking pinakawalan. Andito na ako sa simbahan. Wala nang bawian.

“Miss, okey ka lang?” Boses lalake.

Paglingon ko, parang libo-libong paputok at nagkakantahang mga anghel na naman ang pumuno sa kalangitan.

Gwapo. Matangkad. Mukhang matalino.

Akala ko pagsisisihan ko ang araw na ‘to. Akala ko sa huli, iiyak na naman ako. Mukhang iba ang araw na’to.

“Okey lang.” Nginitian ko siya at sinalubong ‘yung titig niya.

0

Ayoko Nang Umiyak

Anne Curtis Rogue Magazine October 2011-6

 Ayoko na.

Lagi na lang akong umiiyak. Gustuhin ko mang tumigil pero para akong sirang gripo na walang tigil sa pag-iyak. Ang sakit-sakit. Hindi ko naman ginusto pero bakit nangyari. Hindi ko naman hiningi pero bakit ganito. Walang katapusang pait at sakit.

May mga bagay na kahit anung pilit mo para abutin, hinding-hindi mo pa rin maaabot. May mga bagay na kahit ayaw mong mangyari, kelangang mangyari. May mga bagay na masakit, sobrang sakit, pero kelangan mong indain. Mga bagay na unti-unting nagtutulak sa’yo patungo sa mundo ng kawalan. Para kang buhay na patay, tulala at unti-unting kinakain ng pait ng mga alaala.

Lahat ng tao ay pinapangarap na mahalin din ng kanilang minamahal. Lahat ng mga babae ay pinapangarap na yayaing pakasalan ng kanilang minamahal. Pangarap ko na tinupad mo sa ibang babaeng sana’y nagmamahal sa’yo nang totoo.

Bakit ang dali nating solusyonan ang isang pagkakamali ng isa pang pagkakamali? Pakiramdam ba natin maitatama nito ang ginawa nating pagkakamali? Tama na ang isa, ‘wag mo naman dagdagan pa.

Tanggap ko naman… na binigyan mo siya ng anak pero ‘wag mo naman ibigay pati ang buong pangalan mo. Kasi andito pa naman ako. ‘Wag mo naman tanggalin ‘yung pag-asang kahit may anak ka sa iba, ako naman ang magiging asawa. ‘Wag mong hayaang mawala ‘yung natatanging magbibigay sa’kin ng karapatan para maging akin ka. ‘Wag… Sana ‘wag.

Kasi sobrang hirap. Sobrang sakit. Sobrang mahal na mahal kita.

Hindi ko talaga kayang intindihin ba’t kelangang pakasalan mo siya kung ako naman ang dapat. Bakit kelangang ibigay mo ang lahat kung pwede mo namang tapusin ang lahat. Bakit siya pa kung pwede namang ako? Andito ako. Ako na lang ang piliin mo.

Pero ayaw mo.

Kahit isang beses ba, naisip mo na nasaktan at nasasaktan ako? Kahit isang beses ba, naisip mo kung paano naman ako? Paano naman ako?

Sabi mo kakayanin ko. Pero, bakit parang hindi? Bakit sa araw-araw na lang, wala na akong ginawa kundi lumuha? Gabi-gabi na lang, ako’y tahimik na humihikbi. Quotang-quota na ako. Sagad na sagad na. Pero ang sakit-sakit pa rin.

Sabi nila, mauubos din daw ang aking luha, mawawala rin ang sakit. Pero lalo lang dumami ang aking luha. Lalo lang nadagdagan ang sakit sa bawat araw na ‘di kita nakikita.

Sabi rin nila, katangahan na raw ang aking ginagawa kasi minamahal pa rin kita. Kahit anung pilit nilang sabihin sa’kin na tama na, ayaw pa ring tumigil ng aking puso para mahalin ka. Kelangan ko raw magalit sa’yo para mas madali akong makalimot pero ‘di ko talaga kaya. Para sa’kin ikaw pa rin. Ikaw pa rin ang una at huling lalaking aking iibigin.

Sana bukas, sa makalawa o sa susunod na linggo, matuto naman na akong tumigil sa pag-iyak. Kahit para lang sa sarili ko. Para masimulan kong tanggapin na may mga bagay na mananatiling pangarap. At mga bagay na magsisimula ng mga bagong pangarap. Sana nga… Sana… Kasi ayoko na talagang umiyak.

 

3

Surprise Me

Sabi nila, sorpresa daw ang pinakamahalagang elemento ng kasiyahan. Dapat may kasamang sorpresa kung gusto mong makamit ang rurok ng kaligayahan. Dapat may gulat factor. ‘Yung kinakailangang magulatang ka, manginig saka biglang tatawa. ‘Yung kinakailangang maramdaman mo ‘yung palabok na emosyon, parang samu’t saring pelikula. May romance, comedy, horror at drama. Lahat pinag-isa. Kaya nga sorpresa.

Kaya simula pa noon, gustong-gusto ko ng sinosorpresa. Sa isang iglap, lahat pwede mong maramdaman dahil ‘di ka handa. ‘Pag tinatanung ako kung anung gusto ko, lagi kong sinasabi, “Surprise me.”

Pero ‘di ko inakala na isang araw, sasabihin kong ayoko na. Ayoko na.

Dati, kilig na kilig ako ‘pag nag-iiwan ka ng isang maliit na sulat. ‘Yung may nakalagay na “mahal kita”. Gustong-gusto ko ‘pag may dala kang bulaklak. ‘Yung tinatawanan lang kita ‘pag napipikon ka. O kaya’y ‘pag sinusuyo mo ako ‘pag inaaway kita. Lahat ‘yun, araw-araw mo akong pinapasaya.

Pero, ang buhay ko nga ay isang malaking pelikula. Mula romance, comedy, drama at ngayun ay horror na. Nagsimula, nung nakita kitang nakakabayo sa kanya. At ‘yung kasama mo pa, biglang sumigaw ng panghorror na “haaaaaaa…” Hindi ba dapat ako ang mapasigaw ng, “haaaaaaa…” sa’king nakita? Pero ako’y tulala sa iyong hinandang malaking sorpresa.

Ako sana ang maghahanda. Balak kong ipagluto ka. Alam ko kasi nitong nakaraang araw, eh lagi kang balisa. Mukhang may problema.

Pero panalo ka na. Sobrang matinding sorpresa. Nakakagulantang. Nakakanginig. Nakakabaliw.

Biglang may wangwang at mga pulis. Hawak ko pala ang isang kutsilyo habang nakatitig sa inyong dalawa. Akala n’yo yata sa inyo ko gagamitin. Hindi ba pwedeng sa’kin? O kaya’y gusto ko lang humawak ng isa. Masama ba? Di ba, ipagluluto nga kita?

Kung sino pa ang pinaglaruan, sinaktan, siya pa ang idinemandang kriminal. Attempted homicide. Eh, kung tanggalin natin ‘yung attempted? O kaya’y ako ang magdemanda ng murder? Pakiramdam ko kasi patay na patay na ang aking pagkatao. Ni wala nga kayong itinira para dun ako magsimula.

Ba’t ganun? Hindi ba kayo nanood nung pelikula ni Angelica? Sabi nga run, “Hindi lahat ng nakakapagpapasaya sa atin, tama.” Tama, di ba? Hindi porket masaya ka sa isang bagay, eh dapat kunsintihin mo na. Paano naman ang kaligayahan ng iba.

May karapatan kang lumigaya, pero bawal apakan ang karapatan ng iba. Bawal manggamit. Bawal manakit.

Nakatira tayo sa mundong may karapatan at kalayaan para gawin ‘yung mga gusto natin. Pero natatapos ‘yung karapatan at nawawala ‘yung kalayaan na ‘yan sa oras na may nasaktan, may naapakan. Dahil lahat ng karapatan ay pantay-pantay. Walang nakapangingibabaw.

Kaya ayoko na. Okay na ako sa simpleng masaya. Hindi ko kelangan ng sorpresa. Hindi ko kelangang makamit ang rurok ng pagiging masaya. Aanhin ko pa kung kasabay nun ay rurok ng aking pagluha.

———————-

“Hindi lahat ng nakakapagpapasaya sa atin, tama.” – A Love Story (2007)

Mema(sabi): Inis ako sa mga taong nagsasabi na meron tayong freedom to do and say anything without consciously thinking what it means! Mga gago! Sabagay, may karapatan akong manampal. May karapatan ka ring umilag. Good luck.