Ayoko Nang Umiyak

Anne Curtis Rogue Magazine October 2011-6

 Ayoko na.

Lagi na lang akong umiiyak. Gustuhin ko mang tumigil pero para akong sirang gripo na walang tigil sa pag-iyak. Ang sakit-sakit. Hindi ko naman ginusto pero bakit nangyari. Hindi ko naman hiningi pero bakit ganito. Walang katapusang pait at sakit.

May mga bagay na kahit anung pilit mo para abutin, hinding-hindi mo pa rin maaabot. May mga bagay na kahit ayaw mong mangyari, kelangang mangyari. May mga bagay na masakit, sobrang sakit, pero kelangan mong indain. Mga bagay na unti-unting nagtutulak sa’yo patungo sa mundo ng kawalan. Para kang buhay na patay, tulala at unti-unting kinakain ng pait ng mga alaala.

Lahat ng tao ay pinapangarap na mahalin din ng kanilang minamahal. Lahat ng mga babae ay pinapangarap na yayaing pakasalan ng kanilang minamahal. Pangarap ko na tinupad mo sa ibang babaeng sana’y nagmamahal sa’yo nang totoo.

Bakit ang dali nating solusyonan ang isang pagkakamali ng isa pang pagkakamali? Pakiramdam ba natin maitatama nito ang ginawa nating pagkakamali? Tama na ang isa, ‘wag mo naman dagdagan pa.

Tanggap ko naman… na binigyan mo siya ng anak pero ‘wag mo naman ibigay pati ang buong pangalan mo. Kasi andito pa naman ako. ‘Wag mo naman tanggalin ‘yung pag-asang kahit may anak ka sa iba, ako naman ang magiging asawa. ‘Wag mong hayaang mawala ‘yung natatanging magbibigay sa’kin ng karapatan para maging akin ka. ‘Wag… Sana ‘wag.

Kasi sobrang hirap. Sobrang sakit. Sobrang mahal na mahal kita.

Hindi ko talaga kayang intindihin ba’t kelangang pakasalan mo siya kung ako naman ang dapat. Bakit kelangang ibigay mo ang lahat kung pwede mo namang tapusin ang lahat. Bakit siya pa kung pwede namang ako? Andito ako. Ako na lang ang piliin mo.

Pero ayaw mo.

Kahit isang beses ba, naisip mo na nasaktan at nasasaktan ako? Kahit isang beses ba, naisip mo kung paano naman ako? Paano naman ako?

Sabi mo kakayanin ko. Pero, bakit parang hindi? Bakit sa araw-araw na lang, wala na akong ginawa kundi lumuha? Gabi-gabi na lang, ako’y tahimik na humihikbi. Quotang-quota na ako. Sagad na sagad na. Pero ang sakit-sakit pa rin.

Sabi nila, mauubos din daw ang aking luha, mawawala rin ang sakit. Pero lalo lang dumami ang aking luha. Lalo lang nadagdagan ang sakit sa bawat araw na ‘di kita nakikita.

Sabi rin nila, katangahan na raw ang aking ginagawa kasi minamahal pa rin kita. Kahit anung pilit nilang sabihin sa’kin na tama na, ayaw pa ring tumigil ng aking puso para mahalin ka. Kelangan ko raw magalit sa’yo para mas madali akong makalimot pero ‘di ko talaga kaya. Para sa’kin ikaw pa rin. Ikaw pa rin ang una at huling lalaking aking iibigin.

Sana bukas, sa makalawa o sa susunod na linggo, matuto naman na akong tumigil sa pag-iyak. Kahit para lang sa sarili ko. Para masimulan kong tanggapin na may mga bagay na mananatiling pangarap. At mga bagay na magsisimula ng mga bagong pangarap. Sana nga… Sana… Kasi ayoko na talagang umiyak.

 

Surprise Me

Sabi nila, sorpresa daw ang pinakamahalagang elemento ng kasiyahan. Dapat may kasamang sorpresa kung gusto mong makamit ang rurok ng kaligayahan. Dapat may gulat factor. ‘Yung kinakailangang magulatang ka, manginig saka biglang tatawa. ‘Yung kinakailangang maramdaman mo ‘yung palabok na emosyon, parang samu’t saring pelikula. May romance, comedy, horror at drama. Lahat pinag-isa. Kaya nga sorpresa.

Kaya simula pa noon, gustong-gusto ko ng sinosorpresa. Sa isang iglap, lahat pwede mong maramdaman dahil ‘di ka handa. ‘Pag tinatanung ako kung anung gusto ko, lagi kong sinasabi, “Surprise me.”

Pero ‘di ko inakala na isang araw, sasabihin kong ayoko na. Ayoko na.

Dati, kilig na kilig ako ‘pag nag-iiwan ka ng isang maliit na sulat. ‘Yung may nakalagay na “mahal kita”. Gustong-gusto ko ‘pag may dala kang bulaklak. ‘Yung tinatawanan lang kita ‘pag napipikon ka. O kaya’y ‘pag sinusuyo mo ako ‘pag inaaway kita. Lahat ‘yun, araw-araw mo akong pinapasaya.

Pero, ang buhay ko nga ay isang malaking pelikula. Mula romance, comedy, drama at ngayun ay horror na. Nagsimula, nung nakita kitang nakakabayo sa kanya. At ‘yung kasama mo pa, biglang sumigaw ng panghorror na “haaaaaaa…” Hindi ba dapat ako ang mapasigaw ng, “haaaaaaa…” sa’king nakita? Pero ako’y tulala sa iyong hinandang malaking sorpresa.

Ako sana ang maghahanda. Balak kong ipagluto ka. Alam ko kasi nitong nakaraang araw, eh lagi kang balisa. Mukhang may problema.

Pero panalo ka na. Sobrang matinding sorpresa. Nakakagulantang. Nakakanginig. Nakakabaliw.

Biglang may wangwang at mga pulis. Hawak ko pala ang isang kutsilyo habang nakatitig sa inyong dalawa. Akala n’yo yata sa inyo ko gagamitin. Hindi ba pwedeng sa’kin? O kaya’y gusto ko lang humawak ng isa. Masama ba? Di ba, ipagluluto nga kita?

Kung sino pa ang pinaglaruan, sinaktan, siya pa ang idinemandang kriminal. Attempted homicide. Eh, kung tanggalin natin ‘yung attempted? O kaya’y ako ang magdemanda ng murder? Pakiramdam ko kasi patay na patay na ang aking pagkatao. Ni wala nga kayong itinira para dun ako magsimula.

Ba’t ganun? Hindi ba kayo nanood nung pelikula ni Angelica? Sabi nga run, “Hindi lahat ng nakakapagpapasaya sa atin, tama.” Tama, di ba? Hindi porket masaya ka sa isang bagay, eh dapat kunsintihin mo na. Paano naman ang kaligayahan ng iba.

May karapatan kang lumigaya, pero bawal apakan ang karapatan ng iba. Bawal manggamit. Bawal manakit.

Nakatira tayo sa mundong may karapatan at kalayaan para gawin ‘yung mga gusto natin. Pero natatapos ‘yung karapatan at nawawala ‘yung kalayaan na ‘yan sa oras na may nasaktan, may naapakan. Dahil lahat ng karapatan ay pantay-pantay. Walang nakapangingibabaw.

Kaya ayoko na. Okay na ako sa simpleng masaya. Hindi ko kelangan ng sorpresa. Hindi ko kelangang makamit ang rurok ng pagiging masaya. Aanhin ko pa kung kasabay nun ay rurok ng aking pagluha.

———————-

“Hindi lahat ng nakakapagpapasaya sa atin, tama.” – A Love Story (2007)

Mema(sabi): Inis ako sa mga taong nagsasabi na meron tayong freedom to do and say anything without consciously thinking what it means! Mga gago! Sabagay, may karapatan akong manampal. May karapatan ka ring umilag. Good luck.

Ang Pato, Swan at Baboy

ysl-seventies-shoot6

“Sori, di ka imbitado. Hindi imbitado ang mga pato sa party ng mga swan.” Sinabayan ko ng flip ng buhok at walk out. Ganyan ako kasama. Ganyan ako mang-alipusta. Sinimulan niyo, tatapusin ko.

“Ba’t di mo siya inimbitahan?”

“Ayoko sa pato. Mahilig sa tira-tira ng iba.”

 

Masyado kong itinanim sa utak ko na masarap maghiganti sa taong tulad mo. Hindi ko ‘to ginusto, pero andito na tayo.

Kayo nga dyan, ni hindi niyo ako inimbitahan nung magdesisyon kayong magpafiesta. Makalat. Makulay. Maingay. Ang aking mahal na bestfriend at mahal na boyfriend. Nasa iisang kama. Kung inimbitahan nyo lang ako, eh di sana, baka mas masaya pa. Wala sanang ganito. Wala sanang nasaktan at nasasaktan.

Masarap ba siya? Ni hindi ko nga natikman, tinikman mo na. Baka dahil masyado akong pakipot pa, kaya naghanap naman ng iba. Sabi nga nila, kapitbahay first. Nagkataong ikaw ang pinakamalapit na pwedeng bumukaka. O siya, sayo na siya. Kahit magpaparty pa kayo magdamagan. Araw-araw. Gabi-gabi.

Sinabihan pala ako, sobra na daw ang aking pang-aalipusta. Ni hindi nga nila alam na pagkatao ko ang inalipusta. Kung ipagkalat ko kaya? Wag na. Baka koronahan ka pa na reyna ng mga puta. Baka masyado ka pang matuwa, ikamatay mo pa. O di ba, ang bait ko pa!

Kaarawan mo na sa makalawa. Di ako makakadalo pero meron akong regalo. Labimpitong pato. Ka-edad mo. Kaugali mo.

Pero hindi dun nagtatapos ang regalo ko. Bibigyan pa kita ng isang kasamang baboy. Dahil ang pato ay nababagay sa baboy. Gawa kaya kayo ng munting pagsasalo. At tatawagin natin ‘tong “Hayuuuup kayo!”

Kaibigan. Ka-ibigan.

Kaibigan? Ano bang kahalugan ng salitang kaibigan?

Minsan tinanung kita, sino siya. Sabi mo, “Kaibigan lang”.

Minsan tinanung ulit kita, sabi mo. “Kaibigan. Napadaan lang.”

Minsan tinanung ulit kita, sabi mo. “Sinamahan ko lang sa sinehan bilang kaibigan.” Sabi mo pa, “Broken hearted.”

Sobrang bait mo namang “kaibigan”! Award! Friend of the Century!

Hindi ako tanga! Minsan nagtatanga-tangahan lang. Akala ko kasi harmless naman. Akala ko kasi wala naman. Pero minsan ang akala nating wala, meron pala!

“Alam mo bang ni isang beses, di pa tayo nanood sa sinehan. ‘Yung tayung dalawa lang.” Oo, tunog-bitter.

“Ha? Di pa ba?” Pang-award ka na naman! Maang-maangan school of acting. Slow claps. Best actor.

“Cool off muna tayo.” Pang-award din! Swabe lang! ‘Yung parang bumibili lang ng kendi sa tabi-tabi. Aba, hindi ako papahuli!

“Sige, kung ‘yun ang gusto mo.” Aray! Ano raw? Teka lang, ganun na lang basta basta? Akala ko aktingan lang? Patarayan ng linya.

Gusto ko tuloy kunin ‘yung timba, dahil sigurado akong babaha ng luha. Gusto kong itabi lahat ng babasagin, dahil gusto kong mambasag ng mukha. Gusto ko ring… sabihing, “’Eto naman, nagpapatawa lang. Tayo na ulit ha!”

Pero para sa’n pa? Mukha namang naghihintay ka lang ng timing. Mabuti na ‘yung ganito. ‘Yung masasabi kong ako ang nakipaghiwalay. Para kahit papano, buo pa rin ‘yung pride at dignidad ko. Kahit makita ko man kayo sa sinehan, masasabi kong, “ah hiniwalayan ko, ‘yang gagong ‘yan”.

“Ok. Tnx. Bye.” Binaba ko na ang telepono. Iiyak pa kasi ako. Magmumura.

Nung sumuod na araw, nakikipagbalikan ka.

Ano ‘yun? Parang damit lang sa SM na pwede mong balikan? Sori pero meron akong no return policy.

Para mo akong sinampal ng chopping board nung umoo ka kaagad. Parang wala man lang hearing. May verdict na kaagad. Sige agad. Gusto ko rin namang tanungin mo ako, bakit? Pag-usapan natin. Para namang wala akong halaga dahil di ka umapela.

Kaya sori ka, magmamaganda ako. Sori ka, hinding-hindi mo na ako makukuha. Sabi nga ni ate Vi, “Kung hindi ka ba naman gago! Ginto na ang nasa harapan mo, basura pa ang pinili mo!”

Hindi ako nakikipagbalikan sa mga taong hindi nakikita ‘yung aking halaga. Hindi binibigyan pansin. Kaya masanay ka na, wala na talaga.

At dun ka na sa kaibigan mo. Tanung mo kung pwede kang samahan sa sinehan, ikaw naman ngayun ang broken hearted. O di ba, nangangamoy meant to be.

 

————

“Kung hindi ka ba naman gago! Ginto na ang nasa harapan mo, basura pa ang pinili mo!”

—Vilma Santos in Sinasamba Kita (1982)

Mema(sabi): Isang tagay para dun sa kaibigan kong swabe kung makipaghiwalay. I miss yah, Dyosa.

Umiyak ka lang, Bebi

Iza Calzado Rogue Magazine July 2012-13

“Let us welcome, Mr and Mrs Juan dela Cruz!”

Mula sa araw na ‘to, wala na akong karapatan sa’yo. Wala na akong karapatang mahalin ka dahil pag-aari ka na ng iba.

Gustong-gusto kitang tignan dahil alam ko nakatingin ka. Gusto kong basahin ‘yung mga salitang nais mong maipadama. ‘Yung mga emosyong kailanman ay ‘di na magkakaroon ng kahit na anong halaga. Pero bakit pa? Para san pa?

Parang gusto ko ring magwala, lumuha, para kasing nananadya. ‘Yung paborito kong kanta ‘yung tinutugtog nung banda. Pero ako ‘to. Ang babaeng wala sa diskyunaryo ang salitang luha. Ang babeng ni minsan ay hindi umiyak sa harapan ninuman. Dahil ang pag-iyak ay pagtanggap ng kahinaan.

Dumiretso ako sa may hardin. Nagpahangin. Pagpapahingahin ko lang ang aking mukha na kanina pa ngiting-ngiti ng mapakla.

“Isa itong pagkakamali.” Sumunod ka pala.

“Huli na. Kasal ka na.” Malamig kong sagot.

“Magtanan na lang tayo. Pumunta tayo sa walang nakakakilala sa’tin. Magsimula ulit tayo ng bago.” Pakikiusap mo.

Bigla akong lumingon sabay abot ng isang malakas na sampal.

“Kapatid ko ang nabuntis mo! Umalis ka rito!”

Sa pag-alis niya, nagbabadya ang aking mga luha. Pero hindi ako iiyak, hindi ako mahina. Hindi ko siya iiyakan dahil ako naman ang nagparaya. Para sa pamilya.

“Hey…”

Bakit ba ayaw akong tantanan. Gusto ko lang mapag-isa.

“Sinabi kong umalis ka!”

 Pagtingin ko, ‘yung best man pala.

 Bigla akong tumalikod. Ayaw ko siyang tignan dahil alam ko, makikita niya. Alam ko, mababasa niya ang bawat sakit at pait sa aking mga mata.

Pero bigla niya akong niyakap. Hinalikan sa ulo, sabay sabi ng, “Magiging okay din ang lahat.”

Sa oras na ‘yun, lahat ng naipon kong emosyon, biglang lumabas. Parang binuksang dam sa tindi ng agos. Lahat ng tapang ko biglang naglaho. Bigla akong sumabog. Nanghina.

Sa kauna-unahang pagkakataon, heto ako ngayun, umiiyak. Lumuluha. Tinatanggap ang pagkatalo. Ang kahinaan ko.

Pagkatapos ng gabing ‘yun, natuto na akong umiyak. Natuto akong ‘wag magpanggap na malakas. Natuto akong tanggapin na ang pagluha ay hindi lang nangangahulugan ng kahinaan pero ito’y maaaring nangangahulugan ng katapangan. Dahil ‘eto ako ngayun, nakangiti para sa isang bagong bukas.

——————-

Mema(sabi): Naging sila ba ni best man? Tinext ko na pero ang sabi ba naman, text pasaload 10 to 808. Minsan, napapaisip ako, meron pa bang matinong tao sa mundo?