pagsuko ng bataan

“Putangina! Masakit!”

“Well, shit happens!”

“Kung di ka ba naman tanga sa basketbol! Hindi dito ang ring, dun!”

“Kung di ka ba naman tanga. Hindi dito ang mall! Dun ka maglakad-lakad.”

“Hindi ka man lang ba magsosori?!”

“Ako ba ang nakatama sa’yo? Kausapin mo ‘tong bola, baka magsori.”

Dito nagsimula ang katagang, pag binato ka ng bola, batuhin mo ng sapatos… ‘Yung may takong!

Simula’t-sapul para na kaming aso’t-pusa. Ang tawag niya sa’kin ay Fatty Patty dahil sobra akong mataba nung bata ako. Ang tawag ko naman sa kanya ay Dustin Tingting dahil sa sobrang tangkad niya na patpatin.

‘Yun nga lang, iba ang nagagawa ng basketbol. Lahat yata ng babaeng kakilala ko handang isuko ang Bataan kay Dustin. Handang mabilad sa sikat ng araw, mapansin lang niya. Handang mawalan ng boses, maisigaw lang ang pangalan niya.

Hindi ko na nga alam kung ilang I love you, Dustin at Will you marry me, Dustin ang narinig at nabasa ko ‘pag may basketbol sa kanto. Oo, nag-evolve na nga siyang tao, pero ugaling hayop pa rin! Anhin mo ang itsura kung wala naman siyang modo.

‘Yun nga lang, ako raw ang walang modo. Sabi ng tatay ko, “Kababae mong tao, wala kang modo!”

Isinugod sa hospital si Dustin. Nahimatay. Takot pala sa dugo. Tumama kasi ‘yung takong ko sa kanyang noo.

Kaya napipilitan man, binisita ko siya sa kanilang bahay.

“Hi, may dala akong ulam. Peace offering.”

“Ano ‘yan? May lason?”

“Walang lason. Dinuguan.”

Kung pwede lang n’ya akong batuhin ulit, ginawa na n’ya.

“Biro lang! Adobo, paborito mo!”

Simula nun, biglang nag-iba ang ihip ng hangin sa pagitan naming dalawa. Nagkakabiruan pa rin pero natuto kaming magkaroon ng modo sa isa’t-isa. Sa katunayan nga, isa na rin ako sa mga babaeng handang magbilad sa araw, mapanood lang siya. Handang mamaos, maisigaw lang ang I love you, Dustin kapag naglalaro siya.

Pero hindi ako naging handa nung sinabi niyang, Will you marry me, Patty? Dahil bumaha ng luha at putangina. Pasalamat siya, handa kong isuko ang Bataan sa kanya.

Leave a comment