Ayoko Nang Umiyak

Anne Curtis Rogue Magazine October 2011-6

 Ayoko na.

Lagi na lang akong umiiyak. Gustuhin ko mang tumigil pero para akong sirang gripo na walang tigil sa pag-iyak. Ang sakit-sakit. Hindi ko naman ginusto pero bakit nangyari. Hindi ko naman hiningi pero bakit ganito. Walang katapusang pait at sakit.

May mga bagay na kahit anung pilit mo para abutin, hinding-hindi mo pa rin maaabot. May mga bagay na kahit ayaw mong mangyari, kelangang mangyari. May mga bagay na masakit, sobrang sakit, pero kelangan mong indain. Mga bagay na unti-unting nagtutulak sa’yo patungo sa mundo ng kawalan. Para kang buhay na patay, tulala at unti-unting kinakain ng pait ng mga alaala.

Lahat ng tao ay pinapangarap na mahalin din ng kanilang minamahal. Lahat ng mga babae ay pinapangarap na yayaing pakasalan ng kanilang minamahal. Pangarap ko na tinupad mo sa ibang babaeng sana’y nagmamahal sa’yo nang totoo.

Bakit ang dali nating solusyonan ang isang pagkakamali ng isa pang pagkakamali? Pakiramdam ba natin maitatama nito ang ginawa nating pagkakamali? Tama na ang isa, ‘wag mo naman dagdagan pa.

Tanggap ko naman… na binigyan mo siya ng anak pero ‘wag mo naman ibigay pati ang buong pangalan mo. Kasi andito pa naman ako. ‘Wag mo naman tanggalin ‘yung pag-asang kahit may anak ka sa iba, ako naman ang magiging asawa. ‘Wag mong hayaang mawala ‘yung natatanging magbibigay sa’kin ng karapatan para maging akin ka. ‘Wag… Sana ‘wag.

Kasi sobrang hirap. Sobrang sakit. Sobrang mahal na mahal kita.

Hindi ko talaga kayang intindihin ba’t kelangang pakasalan mo siya kung ako naman ang dapat. Bakit kelangang ibigay mo ang lahat kung pwede mo namang tapusin ang lahat. Bakit siya pa kung pwede namang ako? Andito ako. Ako na lang ang piliin mo.

Pero ayaw mo.

Kahit isang beses ba, naisip mo na nasaktan at nasasaktan ako? Kahit isang beses ba, naisip mo kung paano naman ako? Paano naman ako?

Sabi mo kakayanin ko. Pero, bakit parang hindi? Bakit sa araw-araw na lang, wala na akong ginawa kundi lumuha? Gabi-gabi na lang, ako’y tahimik na humihikbi. Quotang-quota na ako. Sagad na sagad na. Pero ang sakit-sakit pa rin.

Sabi nila, mauubos din daw ang aking luha, mawawala rin ang sakit. Pero lalo lang dumami ang aking luha. Lalo lang nadagdagan ang sakit sa bawat araw na ‘di kita nakikita.

Sabi rin nila, katangahan na raw ang aking ginagawa kasi minamahal pa rin kita. Kahit anung pilit nilang sabihin sa’kin na tama na, ayaw pa ring tumigil ng aking puso para mahalin ka. Kelangan ko raw magalit sa’yo para mas madali akong makalimot pero ‘di ko talaga kaya. Para sa’kin ikaw pa rin. Ikaw pa rin ang una at huling lalaking aking iibigin.

Sana bukas, sa makalawa o sa susunod na linggo, matuto naman na akong tumigil sa pag-iyak. Kahit para lang sa sarili ko. Para masimulan kong tanggapin na may mga bagay na mananatiling pangarap. At mga bagay na magsisimula ng mga bagong pangarap. Sana nga… Sana… Kasi ayoko na talagang umiyak.

 

Surprise Me

Sabi nila, sorpresa daw ang pinakamahalagang elemento ng kasiyahan. Dapat may kasamang sorpresa kung gusto mong makamit ang rurok ng kaligayahan. Dapat may gulat factor. ‘Yung kinakailangang magulatang ka, manginig saka biglang tatawa. ‘Yung kinakailangang maramdaman mo ‘yung palabok na emosyon, parang samu’t saring pelikula. May romance, comedy, horror at drama. Lahat pinag-isa. Kaya nga sorpresa.

Kaya simula pa noon, gustong-gusto ko ng sinosorpresa. Sa isang iglap, lahat pwede mong maramdaman dahil ‘di ka handa. ‘Pag tinatanung ako kung anung gusto ko, lagi kong sinasabi, “Surprise me.”

Pero ‘di ko inakala na isang araw, sasabihin kong ayoko na. Ayoko na.

Dati, kilig na kilig ako ‘pag nag-iiwan ka ng isang maliit na sulat. ‘Yung may nakalagay na “mahal kita”. Gustong-gusto ko ‘pag may dala kang bulaklak. ‘Yung tinatawanan lang kita ‘pag napipikon ka. O kaya’y ‘pag sinusuyo mo ako ‘pag inaaway kita. Lahat ‘yun, araw-araw mo akong pinapasaya.

Pero, ang buhay ko nga ay isang malaking pelikula. Mula romance, comedy, drama at ngayun ay horror na. Nagsimula, nung nakita kitang nakakabayo sa kanya. At ‘yung kasama mo pa, biglang sumigaw ng panghorror na “haaaaaaa…” Hindi ba dapat ako ang mapasigaw ng, “haaaaaaa…” sa’king nakita? Pero ako’y tulala sa iyong hinandang malaking sorpresa.

Ako sana ang maghahanda. Balak kong ipagluto ka. Alam ko kasi nitong nakaraang araw, eh lagi kang balisa. Mukhang may problema.

Pero panalo ka na. Sobrang matinding sorpresa. Nakakagulantang. Nakakanginig. Nakakabaliw.

Biglang may wangwang at mga pulis. Hawak ko pala ang isang kutsilyo habang nakatitig sa inyong dalawa. Akala n’yo yata sa inyo ko gagamitin. Hindi ba pwedeng sa’kin? O kaya’y gusto ko lang humawak ng isa. Masama ba? Di ba, ipagluluto nga kita?

Kung sino pa ang pinaglaruan, sinaktan, siya pa ang idinemandang kriminal. Attempted homicide. Eh, kung tanggalin natin ‘yung attempted? O kaya’y ako ang magdemanda ng murder? Pakiramdam ko kasi patay na patay na ang aking pagkatao. Ni wala nga kayong itinira para dun ako magsimula.

Ba’t ganun? Hindi ba kayo nanood nung pelikula ni Angelica? Sabi nga run, “Hindi lahat ng nakakapagpapasaya sa atin, tama.” Tama, di ba? Hindi porket masaya ka sa isang bagay, eh dapat kunsintihin mo na. Paano naman ang kaligayahan ng iba.

May karapatan kang lumigaya, pero bawal apakan ang karapatan ng iba. Bawal manggamit. Bawal manakit.

Nakatira tayo sa mundong may karapatan at kalayaan para gawin ‘yung mga gusto natin. Pero natatapos ‘yung karapatan at nawawala ‘yung kalayaan na ‘yan sa oras na may nasaktan, may naapakan. Dahil lahat ng karapatan ay pantay-pantay. Walang nakapangingibabaw.

Kaya ayoko na. Okay na ako sa simpleng masaya. Hindi ko kelangan ng sorpresa. Hindi ko kelangang makamit ang rurok ng pagiging masaya. Aanhin ko pa kung kasabay nun ay rurok ng aking pagluha.

———————-

“Hindi lahat ng nakakapagpapasaya sa atin, tama.” – A Love Story (2007)

Mema(sabi): Inis ako sa mga taong nagsasabi na meron tayong freedom to do and say anything without consciously thinking what it means! Mga gago! Sabagay, may karapatan akong manampal. May karapatan ka ring umilag. Good luck.

May Bakod. Nakamamatay.

David-Beckham-for-HandM-2014-Bodywear-Collection-02

 

“Pasipsip.”

“Tsuuuuuuuuuup!”

Walang natira kahit isang patak nung nakaplastik na pop cola.

“Sori. Ubos na.”

 

May mga babaeng mabait, mga babaeng maawain at mga babaeng mapagbigay… Hindi ako ‘yun.

 

Ang akin ay akin. Kaya nga naimbento ang bakod dahil may nagmamay-ari na. Bawal hakbangan. Bawal daanan. Bawal bahayan… Nakamamatay.

 

Kaya ‘wag ka nang magtaka ba’t hinding hindi mo makukuha. Akin lang si Dong, walang makakakuha.

 

Aba, andami ko na kayang hirap kasama na ang puso, panahon at pera! Tas ganun, ganun na lang? Bigla kang papasok na parang may pasayaw lang sa plasa? Chaka mo ha!

 

Sabi mo pag-agawan na lang natin siya. May kompetisyon pala? Hindi pa nagsisimula, nasa akin na ang korona! Umuwi ka muna, mag-aral ka muna, kasi asal hayop ka. Saka mo ikiskis sa pader ang iyong pagmumukha. Masyadong makapal yata.

 

Sabi mo masyado ka namang palaban. Aba, hindi! Pagdating sa’yo, walang laban. Kahit gawin pa nating patarayan ng anit o pagandahan ng siko. Ni wala ka ngang sinabi sa papansin kong split ends o kaya’y sa nagmamagandang pimpol ko.

 

Sabi mo pa nagkamali ako ng binangga. Kaya sinapak lang naman kita. Baka matauhan ka na ‘di pa nga kita binabangga. Hintayin mong sagasahan kita, ha.

 

Matuto kang kumilala sa pagmamay-ari ng iba. Maghanap ka ng sarili mong syota. Ahh, eh kasi naman pala, kahit tanga, walang magkakamaling itali ka. Kaya kelangan mong mang-agaw ng may bakod na.

 

“Pahingi na lang.”

“Pwee! Ahhh! Ahhh!”

May kasama ng laway at ubo ‘yung kinakain kong tsitsirya.

“‘Wag na. Sana mabilaukan ka.”

 

Kalbo Para Sa’yo

IMG_1150.JPG

 

“Mahal pa rin kita.”

Bulong. Pero rinig na rinig ko. Klarong-klaro.

 

“Nakainom ka ng Zonrox? O pinapak mo ‘yung Surf?”

“Isang minutong seryoso naman d’yan, oh.”

 

Ayoko. Dahil nung huling beses tayong magkausap ng seryoso, seryosong sakit din ‘yung naramdaman ko. Ayoko.

 

“Saka na, ‘pag di ka na long hair.”

 

Pagkatapos ng dalawang araw, hindi ka na nga long hair. Buhok-pinya naman.

 

Hindi ko alam bakit gusto mo uling subukan. Masakit na ‘yung una. ‘Wag na nating dagdagan pa.

 

“Allergic ako sa pinya.”

 

Nung nasaktan ako, para akong mababaliw. Parang pwede na akong isugod sa mental hospital sa tindi ng iyak at pagkatulala. Ayoko nang maranasan pa ulit. Baka di na ako makabangon. Baka di ko na ulit kayanin. Ayoko ng lumuha. Ayoko ng umiyak.

 

Pagkatapos ng isang araw, hindi ka na buhok-pinya. Wala ka ng buhok. Mas bagay pala sa’yo, ang kalbo.

 

Minsan, kung ano ang ayaw mo, siya namang kusang ipipilit sa’yo. Kung ano ‘yung alam mong bawal, siya namang tuksong lalapit sa’yo.

 

“Mahal pa rin kita.”

“Mahal din kita.”

 

Sana ngayun, mas bibigyan mo ako ng halaga. Mangangako rin ako na mas bibigyan kita ng halaga. Mas mamahalin. Mas iibigin.

 

Sana matuto tayo sa mga pagkakamali natin nung una. Hindi na ako magseselos sa bawat babaeng lalapit sa’yo. Hindi ko na sila aawayin at susupalpalin. Hindi na rin ako makikipag-away sa’yo pag dota ang inuuna mo.

 

Sana rin hindi ka na magseselos sa mga lalaking kaibigan ko. Hindi ka na rin makikipagbasagan ng mukha para lang patunayang mahal mo ako. Hindi ka na rin maiinis ‘pag natatagalan akong mamili ng damit.

 

Sana ngayun mas magiging matatag at matibay tayo. Dahil naniniwala ako na lahat ng pagsubok ay kakayanin natin, basta meron lang tiwala at pagmamahal sa isa’t-isa… Sana nga.

———————–

Mema(sabi): Sa totoo lang, di ako naniniwala sa second chances kasi mahirap kalimutan ang nakaraan, babalik at babalikan ninyo. Pero kung kakayanin naman nila, ibigay na natin at hilinging forever ‘yung kanila.

Ang Pato, Swan at Baboy

ysl-seventies-shoot6

“Sori, di ka imbitado. Hindi imbitado ang mga pato sa party ng mga swan.” Sinabayan ko ng flip ng buhok at walk out. Ganyan ako kasama. Ganyan ako mang-alipusta. Sinimulan niyo, tatapusin ko.

“Ba’t di mo siya inimbitahan?”

“Ayoko sa pato. Mahilig sa tira-tira ng iba.”

 

Masyado kong itinanim sa utak ko na masarap maghiganti sa taong tulad mo. Hindi ko ‘to ginusto, pero andito na tayo.

Kayo nga dyan, ni hindi niyo ako inimbitahan nung magdesisyon kayong magpafiesta. Makalat. Makulay. Maingay. Ang aking mahal na bestfriend at mahal na boyfriend. Nasa iisang kama. Kung inimbitahan nyo lang ako, eh di sana, baka mas masaya pa. Wala sanang ganito. Wala sanang nasaktan at nasasaktan.

Masarap ba siya? Ni hindi ko nga natikman, tinikman mo na. Baka dahil masyado akong pakipot pa, kaya naghanap naman ng iba. Sabi nga nila, kapitbahay first. Nagkataong ikaw ang pinakamalapit na pwedeng bumukaka. O siya, sayo na siya. Kahit magpaparty pa kayo magdamagan. Araw-araw. Gabi-gabi.

Sinabihan pala ako, sobra na daw ang aking pang-aalipusta. Ni hindi nga nila alam na pagkatao ko ang inalipusta. Kung ipagkalat ko kaya? Wag na. Baka koronahan ka pa na reyna ng mga puta. Baka masyado ka pang matuwa, ikamatay mo pa. O di ba, ang bait ko pa!

Kaarawan mo na sa makalawa. Di ako makakadalo pero meron akong regalo. Labimpitong pato. Ka-edad mo. Kaugali mo.

Pero hindi dun nagtatapos ang regalo ko. Bibigyan pa kita ng isang kasamang baboy. Dahil ang pato ay nababagay sa baboy. Gawa kaya kayo ng munting pagsasalo. At tatawagin natin ‘tong “Hayuuuup kayo!”

Wanted: Hitman para kay John Lloyd

MVM-Wallpaper-Fashion Victims-March 2011-pg 8

“Oi, pwede ka ba sa linggo?” Tanung ko sa’king kaibigan.

“Bakit?” Balik tanung niya.

“Naghahanap ako ng hitman.” Seryosong mukha. Seryosong boses.

“Sinong titirahin.” Nakatawang mukha. Seryosong boses.

“Si John Lloyd.”

 

Galit ako kay John Lloyd. Gusto ko siyang murahin. Sana merong paraffle ng libreng sampal, sisiguraduhin kong ako ang makakakuha. Wala lang. Sa kanya lang naman galing ‘yung linyang, “I didn’t ask you to love me so don’t make me feel that I need to love you back.” Hayan tuloy, may kumopya!

“Hindi kita sinabihang mahalin mo ako kaya wag mong isumbat sa akin na mahal mo ako.” Di ba ganung-ganun ‘yung linya mo?

Para akong nadaanan ng 10-wheeler truck. Pwede akong isugod sa emergency room dahil biglang nagflat line ‘yung puso ko. Namatay ng ilang oras. Akala ko nga, ‘di na babalik. Ganun pala. Ganun pala yung pakiramdam.

Alam ko naman na ang pag-ibig ay parang pamasahe sa dyip, pwedeng ‘di suklian. Pero ginusto ko pa ring subukan. Dahil ito’y isang malaking sugal. Pwedeng panalo. Pwedeng talo. ‘Yun nga lang, ako’y talo.

Masakit lang ‘yung abot-kamay mo na nga, nawala pa. Andun na eh, malapit na. Alam kong bibigay na, konting-konti na lang talaga. Pero mapaglaro talaga ang tadhana, may dumating na kontrabida. Ang komplikado na nga, dinagdagan pa ng isa.

Alam mo bang pinakamasakit ‘yung makitang masaya ka sa iba? Walang kasing sakit. Walang kasing pait. Dahil tanggap kong ‘di ko kayang ibigay ‘yung sayang naibibigay niya.

Siguro nga, hindi talaga tayo itinadhana. Kaya kahit anung gawin ko, kahit mahalin pa rin kita nang sobra sobra, wala pa ring kwenta. Kahit isanlibong beses ko pang tawagin si Cupid, magdasal kay papa Jesus, or magnobena kay mama Mary, wala na talaga. Salamat sa isang kontrabida. At kay John Lloyd din pala. Sa linggo, humanda siya. Isang malaking sorpresa ang naghihintay sa kanya.

 *Larawan galing sa 3.bp.blogspot.com

————————

Kwentong bahagi ng Kung Pelikula ang Pag-ibig.

“I didn’t ask you to love me so don’t make me feel that I need to love you back.”

—John Lloyd Cruz in A Very Special Love (2008)

Mema(sabi): Feeling ko pilit ‘to!

Babaeng Palaka

Sumubsob daw siya sa kanal. Sana nakita mo na ako ang may kagagawan. Ang sarap sarap ng pakiramdam. ‘Yung pakiramdam na gusto mong magpainom sa buong barangay!

Bakit ba siya ang pinili mo? Bakit ba hindi ako? Ano bang meron siya na wala ako?

Ba’t ba ‘di ako pwedeng maging puto sa dinuguan mo? Ang pandesal sa ‘yong kapeng barako? Ang tuyo sa iyong champorado? Ba’t ‘di pwedeng maging tayo?

Lahat naman gagawin ko para sa’yo. Handa akong maging labandera, kusinera at yaya mo. Lahat kakayanin ko. Lahat gagawin ko. Basta maging tayo.

Hayan, tumatawag ka na. Ano kayang kailangan mo? Tatanungin mo na ba ako para maging Darna ng buhay mo?

“Hello?

Tumigil ka na!” Ang sweet mo…. Ang sweet mo sa kanya.

Kahit na anung gawin mo hindinghindi magiging tayo!!!”

Aray. Aray naman. Hindi lang tenga ko yung masakit pati na puso ko. Hindi porke’t kontrabida, eh hindi nasasaktan, hindi umiiyak, walang puso. Tingin niyo ba gawa ako sa bato? Masakit kaya. Ngayun, ‘yung pakiramdam na gusto ko na namang magpainom sa buong barangay pero sa ibang kadahilanan.

Hindi ko naman pinili na ikaw ang mahalin ko. Isang araw, bigla na lang siyang tumibok para sa’yo. Kung sutil ako, mas sutil ang puso ko. Hindi ko siya kayang mapagsabihan kasi ‘pag nagmamahal, ito’y nabibingi at napipipi.

Sukang suka na rin naman ako sa pinaggagawa ko. Kinain ko na pride at dignidad ko. Wala na ngang natira sa pagkatao ko.

You are better than this.” Bigla mong nasabi. Dahan dahan. Malumanay. Walang galit. May pag-aalala.

Bakit di pwedeng tayo? Ako naman ang nauna di ba?” Pagsusumamo ko.

Ikaw na rin ang nagsabi na hindi natuturuan ang puso. Siya ang binubulong at sinisigaw nito. Siya lang ang—.”

Bigla ko na lang pinutol ang linya. Sadista ako, hindi masokista. Para hayaang namnamin ko ‘yung undying love mo sa kanya. Para hayaang budburan mo pa ng asin, eh masakit na nga.

Ayoko na. Ang sakit-sakit na. Yung pakiramdam na wasak na wasak ka.

Bakit ba walang happy ending ang mga kontrabida? Ba’t ‘di kami pwedeng maging masaya? Umibig lang naman ako, ah. Akala ko ba walang mali sa pag-ibig pero bakit nung ako, lahat na lang sobrang mali. Ganun nga siguro ang kapalaran ko.

Pagtingin ko sa kaliwa, nakita ko yung ninakaw kong pitong palaka. Nagningning ang mga mata ko. Nabuhay ang dugo ko.

Bukas… Bukas magsasama sila… Nung babaeng palaka.