Konyo bebe

Alam mo bang galit na galit ako sa mga konyo?

‘Yung tipong pagnagkarally sa EDSA para ibagsak ang mga konyo, siguradong ‘asa unahan ako. Di ko naman aakalain na ako pala ang babagsak…sa’yo.

Nahulog ako sa isang katulad mo, isang konyo.

Nung unang beses kitang nakilala,

“Hi, is someone nakaupo here?” Di ako nakasagot. Natulala ako. Ni hindi ko nga narinig ang kakonyohan mo. Sabi mo ulit,

“Um, may nakaupo here?” Wala pa rin. Nakakahiya na ako. Tulala pa rin.

Ngumiti ka lang nang alanganin.

“Pwedeng makiupo dito?” Bigla akong natauhan. Siguro, dahil kaya mo naman palang magsalita ng diretsong tagalog.

“Yep.” My gulay! Ako ba to? Anong sinabi ko?! Pangkonyo ang yep! Dapat oo! Gusto kong batukan ang sarili ko! Anung nangyari sa’kin!

Nung unang beses kitang niyaya,

“Where are we going ba?” Pinigilan ko ang sarili ko. Di na ako umimik. Gusto kong sabihin na sa susunod ‘wag mo na lagyan ng ba. Okay na yung where are we going. Okay na ako dun.

Nung unang beses kitang sinundo,

“Asan na you? Here na me sa shed.” Napahinto muna ako para huminga. Para kalmahin ang sarili ko. Hindi ka naman bobo. Matalino ka nga eh. Sobrang talino pero di ko maintindihan ba’t ganun ka magsalita? Dahil ba ganun ‘yung mundong kinalakhan mo?

Nung unang beses kitang sinabihan ng mahal kita,

“I love you din kaya.” Hindi ko na pinansin ‘yung salitang kaya. ‘Yung oras na ‘yun sobra akong masaya. Akalain mo, mahal mo rin pala ako.

Pag-ibig. Kahit ayaw na ayaw ko sa mga katulad mo, ikaw ang minahal ko. Kahit nung una, gusto kong sumuka ‘pag may naririnig akong katulad mo. Kahit nung una, gusto kong ipatapon sa dagat-dagatang apoy ‘yung mga katulad mo.

Ngayun, balewala na lang sa’kin. Kasi pag nagmamahal, tinatanggap mo lahat lahat. Lahat ng kagandahan, kapangitan, kalakasan at kahinaan n’ya.

Siguro kahit sukdulan pa ang pagiging konyo mo, mas mamahalin pa rin kita. Kasi ganun ka na talaga. Darating ang panahon na maaring magbago ka, pero hinding-hindi ko hihingin na magbago ka. Dahil bahagi na ‘yan ng ‘yung pagkatao. Bahagi ‘yan ng tinanggap ko.

Sabi nga sa pelikula, ‘pag mahal mo, mahal mo! Walang kasi kasi, walang pero pero.

“Andyan pa rin you?” Nakalimutan ko, kausap pa rin pala kita sa telepono.

“Yep, bebe.” Ha? Ano?! Ako yata ang nagbago. Sana mapatawad ako ng buong mundo. Sisihin ang pag-ibig. Oh, pag-ibig.

————-

“Pag mahal mo, mahal mo! Walang kasi kasi, walang pero pero. Kasi mahal mo eh!” – Sarah Geronimo (A Very Special Love, 2008)

Leave a comment