Pabili po ng pacencia!”

Sana lang talaga nabibili din ang pasensiya. Para sa bawat pagkakamali at kalokohan ko, eh reregaluhan na lang kita. Kahit ilang truckload pa.

Hindi naman kita masisisi kung ayaw mo na. Sa dinami-dami ba naman ng kalokohan ko. Akala ko kasi kahit anung gawin ko, eh andyan ka pa rin. Sabi mo kasi, eh. Hayan, ginawa ko tuloy.

Pasensiya na, ha. Sumobra nga yata ako. Naghamon ako ng hiwalayan dahil walang “I love you” ang text mo.

Nung ikaw naman ang naghamon ng hiwalayan, ang sabi ko lang, Ang taray! Apir!”

Naglagay ng sili sa halo-halo mo. Nagalit ka at wala akong masabi kundi Wasabi… flavor?

Siguro, ang pinakamalala ay ‘yung nagpanggap akong nagbuntis at nagpalaglag sa nanay mo. Sabay sabi ng “Joke lang lahat, tita. ‘To naman di na mabiro.”

Ang sabi mo nakakatuyot ako ng dugo. Nakakagago. Nakakaloko.

Maniwala ka man o hindi, ‘di ko talaga sinasadya na sagarin ang pasensiya mo. Sana tanggapin mo pa rin ‘yung sori ko.

Mahal naman kita, eh pero ayaw mo na. Sabi mo pagod ka na. Akala ko kasipag nagmamahal, hindi napapagod. Hindi nga ako napagod, di ba?

Ganun pa rin naman ako kahit nung ‘di pa tayo. Maloko. Sabi mo ‘di ko kelangang magbago pero ba’t kelangan ko palang magbago? Sana sinabihan mo muna ako bago ka umayaw ng todo. Masakit, eh. Para na rin akong niloko.

Siguro sa susunod kong makikilala, pagsasabihan ko na kelangan niya ng maraming pasensiya. Baka ‘yun ‘yung sikreto para maging masaya.

Sana lang talaga, may nabibiling pasensiya para pwede pa. Baka sakali, bumalik ka.

*Larawan galing sa Rogue Magazine.

Leave a comment